Quantcast
Channel: Espesyal na Isyu – Pinoy Weekly
Viewing all 28 articles
Browse latest View live

Mga militar na naglulunsad ng giyera sa Maguindanao, kinumpronta ng mga sibilyan

$
0
0
Habang nagsasagawa ng rali ang mga residente ng Brgy. Dapiawan, dumating ang mga sundalo, sakay ng armored personnel carrier at mga trak. Photo courtesy of <b>Suara Bangsamoro</b>

Habang nagsasagawa ng rali ang mga residente ng Brgy. Dapiawan, dumating ang mga sundalo, sakay ng armored personnel carrier at mga trak. Photo courtesy of Suara Bangsamoro

Kinumpronta ng mga sibilyan ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sumasalakay sa kanilang mga komunidad sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao nitong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

Ayon sa Suara Bangsamoro, isang Moro human rights organization, alas-kuwatro ng umaga ng naturang araw nang pumasok ang apat na armored personnel carriers, dalawang military truck, at humigit-kumulang 100 sundalo sa Sityo Bayug, Brgy. Dapiawan sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.

Agad na nagsilikas ang mga tao. Napag-alaman diumano ng naturang grupo na pinasok ng mga sundalo ang mga bahay sa naturang sityo at nanira ng ilang bahay.

Noong araw na iyon, naglunsad ng protesta ang Suara Bangsamoro at iba pang grupo kaalinsabay ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Nagmartsa ang mga residente patungong evacuation center sa Brgy. Dapianan para magprotesta laban as all-out war, at hilingin ang hustisya sa mga naging at nagiging biktima ng mga operasyong militar ng AFP.

Sumama rin ang mga evacuee na pansamantalang nakatira sa Dapianan Elementary School.

Iginiit din nila ang pagbigay ng agarang relief goods sa nagsilikas na mga residente, at kinondena ang anila’y pagnanakaw ng mga sundalo sa kanilang mga bahay.

Nakipag-usap si Jerome Succor Aba ng Suara Bangsamoro sa mga opisyal ng militar at sa alkalde ng bayan. Photo courtesy of <b>Suara Bangsamoro</b>

Nakipag-usap si Jerome Succor Aba ng Suara Bangsamoro sa mga opisyal ng militar at sa alkalde ng bayan. Photo courtesy of Suara Bangsamoro

Biglang nakipagdiyalogo

Habang nagsasagawa ng protesta ang mga residente at evacuee, dumating ang mga sundalo, pati ang alkalde ng bayan ng Datu Saudi Ampatuan na si Samsuddin Dimaukom. Iginiit ni Dimaukom na makipagdiyalogo ang mga residente kay Lt. Col. Taharudin Ampatuan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

“Doon, naglagay ng mga mesa at kagamitan ang mga sundalo para maglunsad daw ng routine check-ups at dental operations, habang may dalawang trak na namamahagi ng bigas,” sabi pa ni Aba.

Sa naturang diyalogo, inilatag ng Suara Bangsamoro ang mga hiling nila sa militar. Una rito ang agarang ayuda sa mga biktima ng militarisasyon sa Maguindanao, sa porma ng pagkain, gamot at psycho-social intervention sa mga bakwit (evacuees).

Pangalawa ang pagbibigay ng bayad-pinsala sa nasirang kagamitan, kabilang ang mga pananim at alagang hayop, ng mga residente na apektado ng mga operasyong militar.

Matapang na nagladlad ng mga plakard kontra sa giyera ang mga residente. Photo courtesy of <b>Suara Bangsamoro</b>

Matapang na nagladlad ng mga plakard kontra sa giyera ang mga residente. Photo courtesy of Suara Bangsamoro

Hiniling din nila ang hustisya sa mga paglabag ng karapatang pantao sa mga sibilyan dahil sa mga opensiba ng militar.

“Tumanggi si Lt. Col. Ampatuan na pirmahan ang kasunduan, kahit na malinaw na matitigil nito ang paghihirap ng libu-libong mga bakwit,” sabi ni Aba. Ipinagmayabang pa umano ng opisyal-militar kung paano pinoprotektahan daw ng mga sundalo ang mga tao at binibigay ang mga serbisyong kailangan nila.

Binatikos din ng Suara Bangsamoro ang medical at dental mission na isinagawa ng AFP noong panahong iyon.

“Kalokohan ang medical mission ng AFP. Nakakatawa ang katangahan ng militar na nagsagawa ng mga dental operation sa gitna ng evacuation, kung saan marami pang mas mahalagang bagay na dapat tugunan sa mga bakwit kaysa ang kalagayan ng kanilang mga ngipin,” sabi pa ni Aba.

Tinawag din niya na “ipokrito” ang militar sa pagbigay diumano ng ayuda, samantalang ito ang dahilan ng paglikas ng mga tao.

Isolated case lang ang medical aid na ginawa ng militar sa Brgy. Dapiawan. Marami pang evacuation centers ang pinababayaan nila,” sabi pa ni Aba.

Mga kababaihang Moro ang karamihan sa mga may hawak sa plakard na nananawagan ng pagtigil sa militarisasyon. Photo courtesy of <b>Suara Bangsamoro</b>

Mga kababaihang Moro ang karamihan sa mga may hawak sa plakard na nananawagan ng pagtigil sa militarisasyon. Photo courtesy of Suara Bangsamoro

Nanghalughog, nanira

“Malakas na kinokondena (namin) ang pagsagawa ng AFP ng ilegal na paghalughog at pagnakaw sa mga tao,” sabi ni Jerome Succor Aba, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro. “Kapos na kapos na nga ang mga sibilyang ito para sa sarili nila.”

Umaga ng Marso 8, agad na lumikas ang mga tao sa takot na madamay sa anumang operasyong militar matapos ikandado ang kanilang mga bahay.

“Nang dumating ang isang istap ng Suara Bangsamoro sa lugar ng insidente, nagkalat ang mga damit sa sahig ng mga bahay, sira na ang mga bisagra ng mga pinto, sira ang mga appliance at butas ang mga dingding na nakikita na ang loob ng bahay mula sa labas,” sabi pa niya. “Isang may-ari ng tindahan ang naubos ang paninda. Ininom ng mga sundalo ang mga inumin sa mismong loob ng bahay.”

Dagdag lang ito sa iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao na naidokumento ng Suara Bangsamoro magmula nang sumiklab ang all-out war ng AFP sa Maguindanao para tugisin diumano ang mga “terorista” at labanan ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ayon pa sa grupo.


VIDEO |‘The truth will set us free’– Lt. Col. George Rabusa on Mamasapano

$
0
0

Ret. Lt. Col. George Rabusa

Ret. Lt. Col. George Rabusa

In 2011, Lt. Col. George Rabusa, now retired from the Armed Forces of the Philippines, was a whistleblower to the biggest corruption scandal in AFP history. He has since grown disillusioned with the Aquino administration for its failure to follow through with the promised reforms within the military. Now, amid the worst political crisis confronting the current presidency, Rabusa once again speaks up, this time on the Mamasapano incident.

Interview by KR Guda | Video shot by Ilang-Ilang Quijano | Editing by KR Guda, Ilang-Ilang Quijano & King Catoy

Sila-sila: Dinastiyang Politikal sa Pilipinas

$
0
0

Hindi “tayo-tayo” ang tunay na dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino, laluna tuwing eleksyon. Nagmula ang “tayo-tayo” sa sistemang “sila-sila” o ang ekslusibong pananaig, pagpapayaman, pamumuno at pagpapatakbo ng iilang pamilyang Pilipino – nagmumula sa naghaharing uring panginoong maylupa at burgesya – sa politika, ekonomiya at kultura ng bansa. Tinatawag itong political dynasty o dinastiyang politikal, na mahigpit na nakaugat sa oligarkiya o ang pananaig ng iilang naghaharing uri.

 

Ano ang Political Dynasty?

Ayon sa Artikulo II, Seksyon 26 ng konstitusyon ng Pilipinas, “The State shall guarantee equal access to public service and prohibit political dynasty as may be defined by law.”

Sa partikular, ang monopolyo ng iilang pamilya na nakatatakbo, nananalo at nauupo sa poder ng pamahalaan ang sila-silang may hawak ng kinabukasan ng bayan. O mas madaling sabihing may hawak ng kinabukasan ng bayan para sa pampolitika at pang-ekonomiyang kapakanan ng “sila-sila.”

Sa anti-political dynasty bill na inilatag ng mga kongresista ng Bayan Muna Partylist tulad ni Neri Colmenares, binigyang-depinisyon ang political dynasty bilang konsentrasyon, konsolidasyon o pananatili sa pampublikong opisina at politikal na kapangyarihan ng mga magkakapamilya o magkakamag-anak. Kasama rito ang halinhinan o salit-salitang pagtakbo at pag-upo sa politikal na posisyon ng mag-asawa o magkamag-anak.

Sa orihinal na konteksto, ang salitang “dynasty” ay nangangahulugang pamumuno o pampolitika at pang-ekonomiyang kapangyarihang namamana o naipapasa sa loob lamang ng isang pamilya o clan sa panahon ng pyudalismo. Successor o tagapagmana ang tawag sa “susunod sa linya” ng pamumuno sa kaharian o imperyo. Walang eleksyong kinakailangan, kundi ang “pyudal na pribilehiyo” lamang ng dugo (blood line) na nagtitiyak ng kapangyarihan ng pyudal na pamilya ang kailangan.

Ngunit sa kasalukuyan, kahit mayroon nang halalan, kapansin-pansin ang monopolyo ng iilang pamilya sa politika ng bansa. Silang nakatatakbo sa eleksyon ay nagmumula sa iilang pamilya lamang. Silang nakatatakbo sa halalan ay sila ring matagal nang may kapangyarihang pampolitika at kapangyarihang pang-ekonomiya.

Kapansin-pansin ang ilang dekada nang paghahari-harian ng mga political dynasty na ito. Sa bawat probinsiya o siyudad ay may iisa o iilang pamilya lamang ang nagsasalit-salit sa puwesto. Nagtatagisan ang mga pamilyang ito para sa politikal na posisyon, at madalas na tinatawag na “baluwarte” ang lugar na may direkta at malawak na gahum (kapangyarihan) ang mga dinastiyang politikal.

 

Silang May Monopolyo

Ayon sa makabayang historyador na si Renato Constantino, malalim ang ugat sa kolonyal na kasaysayan ang tuminding politikal na monopolyo ng iilang pamilyang Pilipino.

Natagpuan ng mga Kastilang kolonisador ang ilang indibiwal at pamilya na nagpapatakbo ng mga naunang katutubong Austronesyanong barangay sa bansa. May mga barangay na nakatali sa Islamikong kapangyarihan tulad ng supra-barangay na pinamunuan ng raja. May mga cacique at maharlika rin na namumuno sa mga tribo, clan, at iba pang naunang pormasyong etniko. May mga datu o buyung na silang pampolitika at pang-ekonomiyang lider ng mga sinaunang barangay. Sila ang mga itinuturing na lokal na naghaharing uri noon. Silang may monopolyo sa pera at ekonomiya ang sila ring may monopolyo sa pamahalaan.

Pinatindi ito ng kolonyal na pananakop ng mga Kastila at Amerikano. Nagmula sa lokal na naghaharing uri ang mga itinalaga o tinalagaan ng kakarampot na kolonyal na kapangyarihan ng mga Kastila hanggang pinasulpot nila ang uring principalia. Kasama ng principalia bilang lokal na naghaharing oligarkiya sa bansa ang mga mestiso, ilustrado, mestizo-sangley, creole at mestisong Tsino.

Sa pananakop ng mga kolonyalista at imperyalistang Amerikano, ang pagtataguyod ng “pekeng demokrasya” sa pamamagitan ng suffrage o pagboto ay naging mekanismo lamang ng mga mananakop upang lumikha ng mga “puppet” na lider at gobyerno. Pinatindi ang pagtataguyod ng mga partido politikal na dinodomina ng mga naghaharing uri at naghaharing pamilya. Ang mekanismong ito ay nagtitiyak ng kapangyarihan para sa iilang pamilya, iilang naghaharing uri at sa imperyalistang pamahalaan ng Amerika.

Ipinagmamalaki sa kasaysayan na ang Pilipinas ang itinuturing na “unang konstitusyunal na republika” at may “tiyak na demokrasya” sa Asya. Ngunit kung tutuusin, bagama’t may nabuong konstitusyon ang bansa at may ehersisyo ng demokrasya tuwing halalan, lumalabas na ang pamahalaan o pamamahala sa Pilipinas ay mas malapit sa pagiging oligarkiya.

Ang oligarkiya ay isang porma ng gobyerno kung saan ang kapangyarihang mamuno at mamahala ay nasa kamay lamang ng iilang tao o dominanteng uring panlipunan. Madalas nating marinig na kapag pinag-uusapan ang political dynasty ay hindi lamang sila iilang pamilya kundi nagmumula ang iilang pamilya na ito sa iilang naghaharing uri sa bansa – ang mga panginoong maylupa (haciendero, landed class, landed elite) at ang mga burgesya komprador (comprador bourgeoisie, kapitalista, dambuhalang negosyante, monopolista).

Silang nasa poder ng kapangyarihang politikal ang sila ring may hawak ng malalaking negosyo sa mga bayan, probinsiya at bansa. Ang balwarte ng kapangyarihang politikal ay nagpapanatili ng balwarte ng kapangyarihang pang-ekonomiya nila.

 

Silang Nagkukunwaring Mardyinalisado

Maging ang partylist system ay sinasaklaw rin ng political dynasties at ng naghaharing uri’t mga politikal na partido.

Kontrobersiyal noon ang pagiging nominado ni Mikey Arroyo bilang representante ng partylist ng mga security guard. Ang lokal na politiko sa Quezon City na si Bernadette Herrera (BH) ay nagtayo rin ng BH (Bagong Henerasyon) Partylist. Ngayong 2016, maraming political dynasties ang nominado ng iba’t ibang partylist groups: Belmonte ng Quezon City, Atienza ng Maynila, Biron ng Iloilo, Abayon ng Northern Samar, Haresco ng Aklan, Nograles ng Davao, Singson ng Ilocos Sur, Herrera ng Bohol, Villafuerte ng Camarines Sur, at marami pang iba.

Ang dapat ay espasyo ng mardyinalisado ay espasyo para sa pagpapalawak ng kapangyarihang politikal ng mga dinastiya.

 

Tayong Naghihirap, Tayong Lalaban

Bagama’t hindi natin dapat iasa sa eleksyon ang pagbabago ng bansa, maaari rin itong maging espasyo para sa progresibong tinig at aksyon ng mga makabayan.

Kasabay ng pagsabak sa eleksyon ay ang pagmumulat sa tunay na sitwasyon ng bansa. Tulad ng eksposisyon sa political dynasties bilang patuloy na dominasyon ng naghaharing uri.

 

SIDEBAR: SILANG KOMPORTABLENG NAKAUPO

  • Mula sa political dynasty ang kasalukuyang pangulong si Noynoy Aquino. Dating pangulo ang inang si Cory at dating senador ang amang si Ninoy. Senador rin nga pala ang kamag-anak niyang si Bam Aquino. Kamag-anak rin niya ang mga Cojuangco na dominante sa Tarlac, tumakbo rin sa senado at kongreso, at may-ari ng maraming negosyo at lupa tulad ng Hacienda Luisita.
  • Nagmula rin sa political dynasty sina dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at amang Diosdado Macapagal, Erap Estrada na ngayong tumatakbo ulit na mayor ng Maynila, diktador na si Ferdinand Marcos na ang asawa’t mga anak ay hanggang ngayon dominante sa Ilokandia at
  • 94% o 73 mula sa 80 probinsiya sa bansa ay mayroong mga political dynasty
  • Nasa dalawa hanggang tatlo ang political dynasties kada probinsiya
  • 20% ng pamilyang Pilipino ang nagmamay-ari ng 80% ng yaman ng bansa
  • 70% ng ika-15 Kongreso ng Pilipinas ay mula sa political dynasty
  • Dinodomina ng mga political dynasty ang mga malalaking partido politikal
  • Mas maraming political dynasty sa mga lugar at rehiyong may mataas na poverty rate
  • Mas mababa ang social mobility at mababa ang human development kung saan maraming political dynasty
  • Mas mayaman ang mga kongresistang mula sa political dynasty, ayon sa kanilang SALN (Statement of Assets and Liabilities Net Worth)
  • Mula 1907 (Unang Asembilyang Pilipino) hanggang 2004, ang Kongreso at Senado ay dinomina ng 160 pamilya na tuloy-tuloy na nakaupo sa puwesto ang dalawa hanggang tatlong miyembro ng isang pamilya
  • 61 ng kabuuang 98 kongresista noong 1946 ang mula sa pamilyang nakaupo sa politikal na posisyon mula 1907 hanggang 1941.
  • Lumawak ang lupang pagmamay-ari at ang negosyo (tabako, pagmimina, midya, real estate, banko, at iba pa) ng mga political dynasty
  • Tumaas nang higit ang bilang ng politcal dynasties noong nagsimula ang automated election system noong halalan ng Mayo 2010
  • Ang mga politiko mula sa mga dinastiya na hindi pa ulit makatakbo sa aalisan o kasalukuyan na posisyon noon ay tatakbo sa ibang posisyon
  • Ang mga incumbent na opisyal na naabutan na ng term limit ay tumatakbo sa mga gawa-gawang partylist
  • Tumaas ang bilang ng mga partylist na itinaguyod at tinatakbuhan ng political dynasties tulad ng Buhay Partylist ni dating Manila Mayor Lito Atienza at
  • Nasa 70% hanggang 80% ng mga senador ang mula sa political dynasties
  • Hindi bababa sa 85% ng nakaupo sa partylist system ay mula sa mga political dynasty, milyonaryo at multi-milyonaryo

(Datos mula sa ACT Teachers Partylist, CenPEG, Ibon Foundation at “An Empirical Analysis of Political Dynasties in the 15th Philippine Congress” ng Asian Institute of Management)

Paano naiiba ang mga kandidatong progresibo?

$
0
0

PL

Sa tuwing eleksiyon, lahat ng mga kandidato ay langit at lupa ang ipinapangako. Pero may mga kandidatong hindi ipinapangako ang langit at lupa kapag naupo sila sa puwesto: dahil sa totoo lang, anila, imposible ito sa loob ng kasalukuyang sistema ng gobyerno.

Sila ang mga kandidatong progresibo: kumakatawan sa mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante, katutubo, at iba pang sektor. Hindi pa man nakakaupo sa Kongreso, lumalahok na sila sa tinatawag na “parlamento ng lansangan,” para ipresyur ang gobyerno na pakinggan ang tinig ng mahihirap at api.

Simula noong 2001, sinubukan na ng mga progresibo na makapasok sa mismong parlamento. Ginamit nila ang Partylist System Act—ang batas na nagbibigay-puwang sa mga hindi tradisyunal na pulitiko na makapasok

sa Kongreso. Ibig sabihin, kinikilala kahit ng batas na hindi demokratiko ang Kongreso, dahil galing sa mga political dynasty ang karamihan sa nakaupo.

Bitbit ang “pulitika ng pagbabago,” nakakalap ng 1.7 Milyong boto ang Bayan Muna party-list noong una itong sumabak sa eleksiyon. Sa nakaraang Kongreso, umabot na sa lima ang progresibong party-list: kasama ang ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela Women’s Party, at Kabataan. Sila ang tinatawagn na Makabayan bloc.

Ngayong eleksiyon, sisikapin din ng Migrante Sectoral Party at Piston na makaupo sa Kongreso.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, tinaguriang Fighter ng Bayan na tumatabo para senador. PW File Photo/Pher Pasion

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, tinaguriang Fighter ng Bayan na tumatabo para senador. PW File Photo/Pher Pasion

Sa interes ng mahihirap at api

Kaiba sa ibang mga party-list na halos hindi na naringgan ng mga ginawa o ipinaglaban para sa diumano’y kinakatawan nito nang makaupo sa Kongreso, naging konsistent ang Makabayan bloc sa pagtupad ng tungkulin nitong isulong ang interes ng mahihirap at api.

Nariyan ang paghain ng mga panukalang batas na tunay na tumutugon sa kahilingan ng mga mamamayan: mula sa P16,000 national minimum wage  at P750 na dagdag-sahod, pagbabawal sa kontraktuwalisasyon, Genuine Agrarian Reform Bill, hanggang sa pagpapababa sa napakataas na income tax.

Ngunit siyempre, limitado ang inusad ng mga panukalang batas na ito sa loob ng Kongreso, na dominado ng malalaking negosyante at panginoong maylupa. Bangga sa interes nila, halimbawa, ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka o ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Isang malinaw na halimbawa ang P2,000 dagdag sa SSS pension na ilang taon isinulong ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, sa pakikipagtulungan sa mga senior citizen. Nitong Enero, vineto o ipinatigil ni Pangulong Aquino ang pagsasabatas ng dagdagpensiyon. Habang inatras na rin ng ilang mga mambabatas ang suporta sa nasabing batas dahil sa presyur mula sa Malakanyang, ipinagpapatuloy ng progresibong mga party-list ang laban.

SSS

Epektibong sandata rin ang mga progresibo sa pagpapatigil ng mga pahirap na polisiya ng gobyerno. Halimbawa, noong 2013, nagtagumpay ang Temporary Restraining Order na inihain ng Bayan Muna laban sa P4.15 na pagtaas ng singil sa Kwh ng Meralco. Naging isang pansamantalang ginhawa ito sa mga konsiyumer sa Metro Manila.

Naging aktibo ang mga progresibo sa paglaban sa iba’t ibang mga polisiyang nagpapahirap sa mga mamamayan: kung ang ibang mambabatas ay nagpasa ng batas para ipatupad ang K-12, halimbawa, nilabanan ito ng mga progresibo. Dahil alam nila, mula sa daing ng mga magulang, na dagdagpahirap ito.

Inimbestigahan nila at tinangkang pigilan ang mga polisiya gaya ng pagtaas ng matrikula at pagtaas ng  pamasahe sa MRT/LRT. Taun-taon din nilang ipinaglalaban ang mas mataas na badyet para sa mga serbisyong sosyal gaya ng edukasyon, kalusugan, at pabahay.

Kaiba rin sa ibang mga kongresista at senador, nagpursige ang mga progresibo na i-abolish ang pork barrel ng Kongreso at ng pangulo. Sila lang din halos ang nagsiwalat at lumaban sa bago at mapanlinlang na anyo ng pork barrel (ang Bottom Up Budgeting, na pinaniniwalaang ginagamit ngayon ng mga kaalyado ni Aquino sa kampanya.)

‘Sistema ang dapat baguhin’

Pero siyempre, dahil minorya sa Kongreso—na dominado ng malalaking negosyante’t asendero— mahirap mapagtagumpayan dito ang mga laban ng mga mamamayan. Katunayan, halos walang pag-asa ito kung hindi kumilos ang mga mamamayan mismo para ipresyur ang gobyerno na ibigay ang kanilang mga kahilingan.

 

Protesta ng Kabataan sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. Marc Lino Abila

Protesta ng Kabataan sa harapan ng Commission on Higher Education laban sa pagtaas ng matrikula. PW FIle Photo/Marc Lino Abila

Halimbawa, ayon sa Kabataan, naigiit nilang madagdagan ng P3.6 bilyon ang badyet ng state colleges and universities para sa 2016. Pero bukod sa pakikipagtalastasan ni Rep. Terry Ridon sa loob ng Kongreso, ilang walk-out sa klase rin ang ginawa ng mga estudyante para itulak ang dagdag-badyet sa edukasyon.

Paliwanag ni Nathaniel Santiago, pangkalahatang kalihim ng Makabayan, dito nagkakaiba ang progresibong mga kandidato sa iba pa: naniniwala silang ang pagbabago ay sama-samang ipinaglalaban.

“Kailangang magbago ang buong sistemang panlipunan, at hindi lang ang mga tao sa gobyerno, para makamit ang tunay na pagbabago,” aniya.

 

Malinaw ang pagbabago na isinusulong ng Makabayan. Sa National Congress nito noong Setyembre 2015, ipinagtibay ng partido ang kanilang Plataporma para sa Industriyalisado at Progresibong Pilipinas. Ang platapormang ito ay hindi lang para sa Makabayan— hinihimok din nila ang ibang kandidato na panghawakan ang platapormang ito bilang pangmatagalang solusyon sa kahirapan at kawalan ng pagkakapantay-pantay.

Narito umano ang mga kailangan para sa tunay na pagbabago:

  • P a m b a n s a n g industriyalisasyon para sa tunay na pag-unlad. Ito ay ang pagkakaroon ng sariling mga industriya na lulutas sa kawalan ng trabaho.
  • Reporma sa lupa o libreng pamamahagi ng lupa na pagmamay-ari ng mga asyendero sa mga magsasaka. Kasama dito ang pagtigil sa importasyon at pagbigay ng suporta sa lokal na agrikultura.
  • Serbisyong sosyal o libreng serbisyong kalusugan, edukasyon, at pabahay. Makakamit lamang ito kapag itinigil ang pagsasapribado ng mga serbisyo.
  • Pambansang soberanya at kultura ng patriyotismo sa halip na pagbukas ng ating teritoryo at ekonomiya sa pananamantala ng mga dayuhan.
  • Paggalang sa karapatang pantao
  • Maka-mamamayan na badyet o paglaan ng mas malaking bahagi ng pambansang badyet sa serbisyong sosyal sa halip na pambayad sa utang panlabas. Kasama dito ang pagbaba ng buwis na kinakaltas sa mga manggagawa, at pagtaas naman ng buwis sa mayayaman at mga kumpanya.

“Ito ang ating programa na hindi mo maaasahang ipaglaban ng tradisyunal na partidong malalaki,” ani Santiago.

 

PW-makabayan-bloc-impeachment-featured

Laban ng Makabayan bloc sa pork barrel at pagpatay sa impeachment laban kay Aquino sa Kongreso. PW File Photo

Tagibang ang laban

Sa simula pa lang, dehado na sa laban sa eleksiyon ang mga progresibo, na walang rekurso gaya ng tradisyunal na mga pulitiko. Pero mas naging dehado pa sila sa desisyon ng Korte Suprema noong 2013 na kilalanin ang “pekeng” mga party-list na pinapatakbo ng kilalang mga dinastiyang pulitikal.

“Nagdesisyon ang korte na ibasura ang dating prinsipyo ng party-list na eksklusibo lamang para sa mga mardyinalisadong sektor,” ani Santiago.

Ang pagiging totoong pangmahirap ng mga progresibong party-list (kumpara sa mga pekeng party-list) ay makikita sa Statement of Assets and Liabilities ng mga kongresista nito: lagi silang nasa ibaba ng listahan ng pinakamayayaman. Katunayan, si Anakpawis Rep. Fernando Hicap ang pinakamahirap na kongresista.

May limitasyon, siyempre, ang kakulangan ng rekurso ng partidong progresibo sa tsansang manalo sa eleksiyon— lalo na kung Senado ang tinatangkang pasukin.

Ngayong eleksiyon, si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ang pambato ng Makabayan sa pagka-senador.

Si Colmenares ay isang human rights lawyer na ilang dekada nang nagtatanggol sa karapatan ng mahihirap at api. Anak ng security guard at clerk sa Negros, mula siya sa ordinaryong pamilya at hindi sa mayamang angkan.

Marami mang tagasuporta si Colmenares, tagibang na tagibang pa rin ang laban pabor sa mga tradisyunal na pulitiko (trapo). Ginagamit ng mga trapo ang yaman at pangalan ng kanilang pamilya para lalo pang magpayaman at lumawak ang kapangyarihan.

“Ang isang kandidato, pwede siyang bumuhos ng daandaang milyong piso para lokohin ang tao na siya ay maka-masa, makamahihirap, kahit ang kinakatawan na interes ay para sa asendero at negosyante,” sabi ni Santiago.

Sa kabila nito, umaasa ang Makabayan na kahit sa kampanya pa lamang, maipapaabot na nila sa malawak na bilang ng mga mamamayan ang mensahe ng pulitika ng pagbabago. Dahil manalo man o matalo, isusulong nila ito.

Neoliberalismo at ang mga Kandidato: Kung bakit pare-pareho ang tumatakbo sa pagkapangulo

$
0
0

neolib

Lahat sila, para raw sa mahihirap. Lahat nangangakong pauunlarin ang ekonomiya. Kumbaga sa sabong panlaba, iba-iba ng brand pero iisa lang ang pangako — ang paputiin ang labada.

Ganito rin ang masasabi natin sa plataporma sa ekonomiya ng mga kandidato sa pagkapangulo. Iba-iba man ang termino at islogan, at may ilang paboritong isyu, iisa lang ang pardon para sa ekonomiya – ang neoliberalismo.

Yun pa rin

Sa nakalipas na halos 40 taon, mga prinsipyo ng neoliberalismo ang ginagamit ng bawat administrasyon para gumawa ng mga patakarang pang-ekonomiya. Sa katunayan, dito nakabalangkas ang “Daang Matuwid” ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang neoliberalismo ay tumutukoy ito sa paraan ng pagpapatakbo sa ekonomiya at gobyerno kung saan sentral ang papel ng pribadong negosyo. Para raw umunlad ang ekonomiya, walang dapat humadlang sa malayang paggalaw ng mga kalakal, serbisyo at kapital ng mga negosyo. Ang tanging papel ng gobyerno ay tiyakin ang malayang paggalaw na ito.

Liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon naman ang mga patakaran ng neoliberalismo, o mas kilala bilang patakarang globalisasyon. Malayang pinapasok nito ang dayuhang puhunan at kalalakal sa bansa. Inaalis nito ang regulasyon ng gobyerno sa operasyon ng mga negosyo. Ipinauubaya nito sa pribadong sektor ang paggampan sa mga dapat ay tungkulin ng pamahalaan. Ang lahat ng ito ay para matiyak at mapalaki pa ang tubo ng mga pribadong negosyo.

 

Ramdam ng mga Pilipino ang epekto ng mga patakarang globalisasyon: Matinding kawalan ng trabaho. Laganap na kontraktuwalisasyon .Mababang sahod. Mataas na presyo ng bilihin, pagkain, langis. Mataas na singil sa tubig, irigasyon, kuryente, pamasahe. Kawalan ng serbisyong panlipunan sa edukasyon, kalusugan, pabahay. At marami pang iba.

PW-san-roque-PPP-featured

PW File Photo/Pher Pasion

Para pagtakpan ang masahol na epekto ng globalisasyon, inimbento ng neoliberalismo ang conditional cash transfer (CCT). Kilala natin ito bilang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Dito, namimigay ng pera ang gobyerno sa mga piling mahihirap na pamilya.

Pero hindi nito nilulutas ang problema ng kahirapan na pinalala ng globalisasyon. Pinalalabas lamang na may ginagawa ang gobyerno para sa mahihirap at hindi kailangang ibasura ang neoliberalismo.

Hindi lang sa Pilipinas kinikwestiyon ang mga patakarang neoliberal. Sa buong mundo, isinisisi sa globalisasyon ang patuloy na krisis sa pandaigdigang ekonomiya, at ang pagtindi ng kahirapan at pagkaatrasado ng maraming bansa.

Patuloy na itinutulak ang neoliberalismo sa daigdig, kasama ang Pilipinas. Hindi dahil wasto ito, kundi dahil nakikinabang nang husto ang mga dambuhalang dayuhang kapitalista at kasabwat nilang mga Pilipinong negosyante, panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalismo sa gobyerno.

Neoliberalismo at mga kandidato

Hindi babaguhin ng darating na halalan ang sitwasyong ito. Katunayan, nagtatagisan ang mga kandidato sa panguluhan sa pagsasabing ipagpapatuloy at pahuhusayin pa nila ang mga neoliberal na patakaran at programa sa ekonomiya ng administrasyong Aquino.

Kung susuriin ang plataporma at rekord ng bawat isa, wala sa limang kandidato ang nagbabasura ng adyenda ng pribadong sektor, korporasyon at malalaking kapitalistang bansa. Si Mar Roxas, Jejomar Binay, Grace Poe, Rodrigo Duterte, Miriam Santiago – lahat ay sang-ayon sa mga neoliberal na polisiya na ipinatutupad ng gobyernong Aquino. Lahat ay nakatuon sa paghihikayat ng dayuhang imbestor sa Pilipinas.

Syempre pa, nangunguna na rito ang kandidato ng Liberal Party (LP) na si dating Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) Mar Roxas. Kung ano man ang naging karanasan natin sa ilalim ng gobyernong Aquino sa huling anim na taon, pangakong ipagpapatuloy ito ni Roxas. Ika nga niya, itutuloy niya ang ‘Daang Matuwid’, at kung may mali ay aayusin pa.

Ikinampanya ni Aquino at ng LP ang “Daang Matuwid” bilang solusyon sa kahirapan. Sentrong programa nito ang public-private partnership (PPP). Pero sa kabila ng sinasabing paglago ng ekonomiya taun-taon, nananatiling laganap ang kahirapan habang lumolobo nang husto ang yaman ng iilang pamilya at negosyo.

Sa Mendiola, Manila, nagdala naman ng malaking kahon na "regalo" ang mga maralita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, Bayan Muna, Anakpawis, Bagong Alyansang Makabayan - National Capitol Region, at iba pa. Binatikos nila ang programang Public-Private Partnerships o PPP na anila'y nagdudulot ng demolisyon sa mga maralitang lungsod. Sinunog ng mga maralita ang naturang "regalo" bilang protesta sa administrasyong Aquino. (KR Guda)

PW File Photo/KR Guda

Tuloy ang PPP

Sa ilalim ng PPP, magkatuwang daw ang gobyerno at pribadong negosyo para maghatid ng serbisyo publiko at tugunan ang pangangailangan sa imprastruktura ng bansa. Pero ang totoo, binibigyan lamang nito ng bagong pagtutubuan ang mga negosyante. Sinisiguro ng PPP ang tiyak na kita ng mga mamumuhunan gamit ang pampublikong rekurso.

Mula sa LRT/MRT at expressway hanggang mga ospital at paaralan, ipinaubaya ng gobyerno ang pagtatayo at pagpapatakbo sa mga pribadong negosyo.

Siyempre, ipagpapatuloy at papalawakin pa ito ni Roxas. Wala sa mga humahamon sa administrasyon ang kumukwestiyon sa PPP. Sa katunayan, binatikos ni Bise Presidente Jejomar Binay ang kabagalan ng gobyernong Aquino para ipatupad ang programa. Dapat daw na mas marami pang nakumpleto sa 12 na proyektong PPP na inaprubahan ni Pang. Aquino. Kapag nanalo, ipinangako ni Binay na lulutasin niya ang mga kapalpakan ng pamahalaan at paghuhusayin pa ang PPP.

Gayundin, ipagpapatuloy at pabibilisin daw ni Senador Grace Poe ang mga nasimulang proyekto sa PPP ng administrasyong Aquino. Kung mananalo, pitong paliparan daw ang tatapusing itayo ni Poe sa pamamagitan ng PPP sa unang hati pa lamang ng kanyang termino. Ilan pa sa mga hinayag na plano ni Poe na posibleng isailalim sa PPP ay ang LRT system sa Cebu at train system sa Mindanao.

Ang pagsuporta sa PPP ay taliwas sa pahayag ng mga kandidato na makamahirap sila. Mamamayan ang nagpapasan ng pagbibigay ng katiyakan sa tubo ng pribadong sektor. Sa PPP, walang tigil ang pagtaas ng mga bayarin sa mga isinapribadong serbisyo gaya ng kuryente, tubig, irigasyon, komunikasyon, at transportasyon. Habang nililimitahan ang akses ng maraming mamamayan, hindi naman humuhusay ang kalidad ng serbisyo.

Dayuhang pamumuhunan

Malinaw sa mga plataporma nina Roxas, Poe at Binay ang diin sa paghihikayat ng dayuhang imbestor. Gayundin, may mga pahayag si dating alkalde ng Davao City Rodrigo Duterte tungkol sa pagtatayo niya ng special economic zones (SEZs) at mga imprastruktura para ibayong akitin ang mga imbestor.

Ang panawagan naman ni Senador Miriam Santiago na pasiglahin ang eksport ng bansa ay nakatuon para tugunan ang pangangailangan ng dayuhang merkado.

Balewala ang sinasabing pagtutol sa kontraktwalisasyon ng ibang kandidato gaya nin Poe, Duterte at Santiago dahil marahil ito sa makanegosyong pamamalakad ang ekonomiya ng bansa.

Charter change

Isa pang matibay na indikasyon ng pagpapatuloy at pagpapalalim ng mga patakaran at programang neoliberal sa ekonomiya ang masugid na suporta sa Cha-cha ng mga kandidato. Nagpahayag na sina Binay, Poe at Santiago na bukas silang baguhin ang Saligang Batas para alisin ang mga restriksyon sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng mga lupain at pagpapatakbo ng pampublikong yutiliti sa bansa.

 

Ang mga restriksyon ng Saligang Batas sa pagpasok sa lokal na ekonomya ng dayuhang kapital ang natitirang proteksyon ng bansa sa hambalos ng globalisasyon.

Peasant leaders from Anakpawis Party-list marched with a streamer calling on resistance against Charter Change. (Darius Galang)

PW File Photo/Darius Galang

Sa 4Ps

Sa sobrang suporta nina Roxas, Binay, Poe, Duterte at Santiago sa 4Ps, pangako nilang lalo pa itong palalawigin at palalawakin. Ika nga ni Binay, kung 4Ps ang administrasyon, siya ay mayroong “5Ps”.

Para sa mga trapo, “epektibo” ang direktang pamimigay ng hanggang P1,500 kada buwan sa mga mahirap. Hindi dahil natutugunan nito ang kahirapan kundi dahil itinataguyod nito ang sistemang patron sa pulitika habang binubuhasan ang diskontento ng mamamayan sa kawalan ng kabuhayan, serbisyong panlipunan, at iba pa.

Artipisyal na pagtugon sa kahirapan ang 4Ps. Panandalian ang ginhawa nito sa mahihirap na pamilya. Hindi gaya kung may nalikhang sapat na trabaho ang ekonomiya, at may siguradong panggastos ang bawat pamilya. Kabaligtaran ito ng 4Ps na nakaasa kung may pondo pa ang programa.

Utang ng gobyerno ang bilyung-bilyong pondo ng 4Ps. Babayaran ito ng mamamayan sa World Bank at iba pang dayuhang bangko, kasama na ang interes. Ayon sa mga kritiko, lumulubo ang utang ng Pilipinas pero hindi naman umiimpis ang bilang ng mahihirap. Ang masaklap, ginagawang lehitimo ng 4Ps ang modelong neoliberalismo dahil ipinapakita nito na, kahit papaano, may nangyayaring pagtugon sa kahirapan.

Patuloy na hamon ng Mamamayan

Iisa ang tono ng mga kandidato sa pagkapangulo pagdating sa larangan ng ekonomiya. Sa likod ng mga patutsadahan at intrigahan, pare-parehong itinataguyod ng mga ito ang interes ng dayuhang negosyo at malalaking lokal na kapitalista. Parepareho nilang ipagpapatuloy ang mga patakaran at programang neoliberal na matagal nang nagpapahirap sa mamamayan at nagpapanatili sa atrasadong kalagayan ng pambansang ekonomiya.

Mahalagang makita at maunawaan ito ng mamamayan para kahit sino man ang manalo sa halalan ay mananatili ang pagtunggali at paglaban sa neoliberalismo.

10 istoryang pinalampas ng midya sa 2014

$
0
0

PW-underreported stories

Habang nagaganap ang landslides, pagbaha at pagragasa ng bagyong Seniang sa Visayas at Mindanao na kinasawi ng di-bababa sa 50 katao, abala ang midya sa kasalang Dingdong Dantes at Marian Rivera. Ito na marahil ang pinakamalinaw na halimbawa ng tagibang na prayoridad, kapwa ng mainstream media coverage at ng mismong gobyerno.

Taun-taon, nililista ng Pinoy Weekly ang sampu sa pinakamalalaking istorya o kaganapan na may pinakamalaking impact sa ordinaryong mga mamamayan. Pero, sa ano mang dahilan, hindi ito nabibigyan ng karampatang atensiyon ng malalaking media networks. Narito ang sampu (mas marami pa, tiyak, ang mahahalagang istoryang di nailabas) na naitala ng PW. Walang partikular na pagkakasunud-sunod ang listahan.

underreported 2014 (2)1. Manilakbayan at malawakang paglabag ng karapatang pantao sa Mindanao. Libong kilometro ang nilakbay ng mahigit 300 katutubo, magsasaka at iba pa, para iparating sa gobyerno at publiko ang kanilang mga isyu. Halos 60 porsiyento ng puwersang militar ng gobyerno ang nakatutok sa Mindanao, para diumano’y labanan ang insurhensiya sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Pero mayorya ng mga napupuruhan nito’y ordinaryong mga sibilyan at kanilang mga komunidad. Nahaharap ang Mindanao sa malawakang pagsasamantala ng likas-yaman dahil sa pagpasok ng dayuhan at malalaking kompanya ng pagmimina at malawakang pagtotroso. Lumalaban ang mga komunidad ng mga katutubo at magsasaka. Sa kabila nito, panaka-naka ang pagbabalita sa malalaking midya hinggil sa kanilang mga isyu. Kahit pagkatuntong ng mga Manilakbayani sa Maynila, tila mailap pa rin ang midya: nababalita ang kanilang militanteng paggiit sa harap ng US Embassy at Times Street, pero di madalas na mabanggit ang mga isyung ipinaglalaban nila.

underreported 2014 (3)2. Kawalan ng paghahanda ng gobyerno, hindi lang sa pagdating ng bagyong Yolanda, kundi sa Glenda, Ruby at Seniang. Hindi pa man nakakabangon ang mga mamamayan ng Eastern Visayas (kahit nga ang mga magsasaka sa Mindanao na nasalanta ng bagyong Pablo noong 2012), sunud-sunod ang mga bagyong dumaan sa rehiyon nitong 2014. Sa kaso ng Glenda at Ruby, ipinagmalaki ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng midya na maliit diumano ang casualties. Matapos ang pagkakalantad sa mundo ng kawalan ng paghahanda ng administrasyon sa pagdating ng Yolanda noong Nobyembre 2013, siniguro nitong nakapagpakitang-gilas ito sa pagdating ng Glenda at Ruby. Pero malayo sa lakas ng Yolanda ang sumunod na bagyo, libu-libo pa rin ang apektado, at marami pa rin ang nasawi. Walang planong rehabilitasyon sa mga biktima ng Glenda at Ruby. Muling nasaksihan ito sa pagragasa kamakailan ng bagyong Seniang: Walang sapat na kaalaman ang lokal na gobyerno sa Eastern Visayas at Mindanao; di-bababa sa 50 ang nasawi at libu-libong magsasaka ang lalong lugmok sa hirap dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim.

underreported 2014 (4)3. Mga Pinoy na naipit sa giyera sa Libya at Syria. Tulad ng maraming sigalot sa daigdig, isa sa pinakabulnerableng sektor sa mga bansang Libya at Syria (na nakakaranas ngayon ng giyerang sibil) ang migranteng mga manggagawa rito. Sa Libya, kung saan sumiklab ang isang giyerang sibil matapos mapabagsak ng mga rebeldeng suportado ng US ang gobyerno ni Muammar Gaddafi, aabot sa 13,000 Pilipinong migrante ang nalagay sa panganib. Sa kabila nito, panaka-naka ang pagdating ng mga barkong inareglo ng gobyerno para sagipin ang mga Pilipino sa lugar kung saan maiinit ang labanan. Ayon sa mga grupong migrante, hirap din silang makabiyahe patungo sa mga embahada at mga pinagdaungan ng mga nanundong barko. Mayorya rin ng mga Pilipinong nagtatrabaho ay pinili na lang na manatili dahil walang kaseguruhang mabibigyan sila ng kabuhayan kung uuwi.

underreported 2014 (5)4. Paglala ng karahasan sa kababaihan, lalo na iyong mga militar o pulis ang salarin. Nalarma at galit ang mga grupong pangkakababaihan sa dumadaming kaso ng karahasan sa kababaihan nitong huling taon. Sinabi ng Gabriela na bukod sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng panggagahasa, parami nang parami ang nabibiktimang mga menor-de-edad. Pero ang pinakamalupit, ayon sa Gabriela, tila tumataas din ang bilang ng kababaihan at mga batang nabibiktima ng tinaguriang “persons of authority”, o iyung mga nasa kapangyarihan o posisyon. Kasama rito ang mga militar at pulis. Sa datos ng grupo, mula 2010 hanggang ikatlong kuwarto ng 2014, nakapagtala ng 42 kaso na mga alagad ng PNP ang salarin, 20 ang Armed Forces of the Philippines (AFP), 14 ang mga opisyal ng local government units, 13 naman ang mga pulitiko, 9 ang tropang Amerikano at dalawa ang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

underreported 2014 (6)5. Pambobomba at mga pang-aabuso ng militar sa Lacub, Abra. Nanghuli ng mga sibilyan at ginamit silang human shields sa labanan sa mga rebelde. Pagkatapos, nang may mahuling mga miyembro ng New People’s Army, pinahirapan ang mga ito at pinagpapatay. Ito ang nagpag-alaman ng independiyenteng mga imbestigasyon hinggil sa mga operasyong militar sa liblib na kabundukan ng Lacub, Abra noong unang linggo ng Setyembre 2014. Ayon dito, 24 sibilyan ang ginawang human shield ng 41st Infantry Battalion ng Philippine Army. Nasawi sa mga sibilyan sina Noel Viste at Engr. Fidella Salvador, isang istap ng Center for Development Programs in the Cordillera (CPDC) at Cordillera Disaster Response and Development Services (CorDis-RDS). Samantala, pitong miyembro ng NPA ang tinortyur bago paslangin. Kasama rito si Arnold Jaramillo, na sinasabi ng militar na namumunong lider-gerilya sa lugar, at Recca Noelle Monte. Batay sa autopsy report ng dalawang bangkay, napag-alamang pinahirapan sila bago paslangin. Sa kabila ng malupit na mga paglabag sa rules of engagement ng militar at sa mga kasunduan at batas pangkarapatang pantao, hindi nabibigyan ng sapat na espasyo sa midya ang mga kasong ito sa Lacub, Abra.

underreported 2014 (7)6. Laban para sa National Minimum Wage at/o dagdag-na-sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno. Inilunsad ng Kilusang Mayo Uno, Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), Alliance of Health Workers (AHW), Alliance of Concerned Teachers (ACT), at iba pang grupo ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor nitong Nobyembre ang kampanya para sa pambansang minimum na sahod. Napapanahon na umano ito, dahil nararanasan ng lahat ng mga manggagawa ang pagtindi ng krisis at taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, habang nananatiling nakapako ang kanilang mga sahod. Aabot sa P16,000 ang itinutulak nilang National Minimum Wage. Samantala, ikinakampanya din ng ACT ang taas-suweldo ng mga guro sa P25,000 mula P18,549 at para naman sa mga kawani na P15,000 mula P9,000.

underreported 2014 (8)7. Kawalan ng hustisya sa Hacienda Luisita. Sampung taon na mula nang maganap ang masaker ng pamilyang Cojuangco-Aquino, pulis at militar sa nagwewelgang mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Wala pa ring napaparusahan sa itinuturong mga salarin, kabilang ang pamilyang Cojuangco-Aquino, pamilya ni Pangulong Aquino, at mga opisyal ng militar at pulisya. Samantala, nagtagumpay man sa Korte Suprema ang mga magsasaka para mabawi ang lupang dapat kanila, patuloy na hinaharangan ng mga Cojuangco-Aquino, sa tulong ng Department of Agrarian Reform, ang pamamahagi ng lupa. Unti-unting binakuran nila ang ilang lupang di raw kasama sa pamamahagi. Marahas na itinataboy nila ang nagsasakang mga residente ng Luisita, at pinahuhuli, kinakasuhan at/o hinaharas ang mga lider at miyembro ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Asyenda Luisita o Ambala at mga tagasuporta nila.

underreported 2014 (1)8. Patuloy na pamamaslang, pagdukot, pagsampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga aktibista. Sa ilalim ng programang kontra-insurhensiya ng administrasyong Aquino na Oplan Bayanihan, nagpatuloy ang polisiya ng pagtarget sa mga sibilyang lumalaban sa gobyerno. Kung isasama pa ang pagpapalawig ni Aquino sa implementasyon ng Oplan Bantay Laya II (mula Hulyo hanggang Disyembre 2010), umabot na sa 169 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang mula 2010 hanggang katapusan ng 2013, ayon sa Karapatan. Umabot din sa 19 ang dinukot, o biktima ng enforced disappearance. Umabot sa 86 ang naitalang kaso ng tortyur, 179 ang biktima ng frustrated extra-judicial killing (o tangkang pagpaslang)at 570 ang ilegal na inaresto at kinulong. Sa kabila nito, inamin mismo ng AFP na bigo ang Oplan Bayanihan na makamit ang mga layunin nito. Nasa pangalawang yugto na ang programa, at inaasahan ang mas marahas na implementasyon nito.

underreported 2014 (1)9. Kontraktuwalisasyon sa private at public sectors, kasama na ang nasa media networks. Sang-ayon marahil ang lahat ng mga dalubhasa at grupong maka-manggagawa sa obserbasyong mayorya na ng mga manggagawang Pilipino ay kontraktuwal—walang kaseguruhan sa trabaho, mababa ang sahod, walang benepisyo. Sa economic zones o engklabo, umaabot sa 90 porsiyento ang kontraktuwal, gayundin sa service industry, tulad ng shopping malls. Kahit sa loob ng gobyerno, laganap na ang kontraktuwalisasyon, ayon sa Courage, na inaral ngayong taon ang lalong pagdami ng bilang ng mga kontraktuwal (na may iba-ibang pangalan), kasama ng mga kawani na matagal nang kontraktuwal pero di nireregularisa. Hindi kinokober o ginagawan ng istorya ng malalaking TV networks ang istorya ng malaganap na kontraktuwalisasyon dahil salarin din ang networks na ito. Sumiklab din ngayong taon ang isyu ng kontaktuwalisasyon sa ABS-CBN-2, GMA-7, TV-5 at 9TV. Tanging sa alternative media at social media lang mababalitaan ang paglaban ng mga manggagawa, kabilang ang mga manggagawa ng TV networks na ito, sa praktika sa paggawa na lalong naglulugmok sa mga kanila sa paghihirap.

underreported 2014 (9)10. Bagong pork barrel sa 2015 budget, mga kaso ng korupsiyon ng mga alyado ni Aquino. Tumampok sa midya nitong nakaraang taon ang pagpiit ng administrasyong Aquino sa diumano’y mga salarin sa eskandalong pork barrel ni Janet Lim-Napoles na sina Sens. Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Enrile. Tampok din at pinaypayan ng ilang media outlets ang mga anomalyang diumano’y kinasasangkutan ni Vice Pres. Jejomar Binay. Pero ang walang sapat na coverage: ang bagong mga porma ng pork barrel sa 2015 National Budget na ipinasa ng mga alyado ng administrasyong Aquino at inayunan mismo ng Pangulo. Ayon sa maraming tantiya, aabot sa P500-Bilyon ang lump-sum appropriations sa kasalukuyang badyet. Ginagamit pa diumano ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Conditional Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development para pigilan ang mga mamamayan na pumirma sa people’s initiative kontra sa pork barrel. Sa kabila ito ng pagbabawal ng Korte Suprema sa pork barrel at Disbursement Acceleration Program. Samantala, patuloy ang pagkakasangkot ng mga alyado ni Aquino sa kung anu-anong anomalya, mula sa maanomalyang mga kontrata sa MRT/LRT, sa kuryente, hanggang sa overpriced na Iloilo Convention Center na kinasangkutan ng pinakamalapit na alyado ni Aquino sa Senado na si Senate President Franklin Drilon.

Niyurakan, pinagtaksilan

$
0
0

Malaon nang larangan ng tunggalian ang West Philippine Sea (WPS) para sa Pilipinas at China—kapwa mga bansang may nakatayang malaking interes sa pinaglalabanang teritoryo.

Hamon ng pagtindig at pagtatanggol sa teritoryong dagat at eksklusibong sonang pang-ekonomiya (EEZ o exclusive economic zone) ang nakataya para sa Pilipinas. Samantala para sa China, nakataya naman ang pag-angkin at pagmamay-ari sa isa sa mga pinaka-estratehikong daanan ng pandaigdigang kalakalang dagat (global maritime trade), gayundin ang pagsasamantala sa labis labis na likas-yamang matatagpuan sa WPS.

Pinakahuli ang nangyaring insidente sa Recto Bank noong Hunyo sa halos isang dekadang girian sa pagitan ng Pilipinas at China para sa pagmamay-ari ng WPS, teritoryong tinuturing na isa sa pinaka-estratehiko at pinakamayamang karagatan sa buong mundo.

Gayunpaman bago nito, mahaba na ang listahan ng girian na nagsimulang uminit noon pang taong 2011. (Tingnan ang talahanayan)

Pandarambong sa likas-yaman

Sa kabila ng makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 na pumabor sa Pilipinas sa pagsabing bahagi ng EEZ nito ang WPS, walang habas pa rin ang paglabag ng China sa karapatang soberanya (sovereign rights) ng bansa sa nasabing teritoryo. Lansakan ang pagsasamantala ng China sa karagatan sa pamamagitan ng mga tinatayong artipisyal na imprastraktura’t pandarambong sa walang kapantay na likas yaman ngWPS.

Sa katunayan, sa pag-aaral ng United States Geological Survey (USGS), mayroong malalaking reserba ng langis at natural gas sa WPS at matatagpuan ang malaking bilang nito sa Recto Bank. Sa tantya ng USGS, aabot ng mahigit 10 bilyong bariles ng langis at 190 trilyong cubic feet ng natural gas ang nasa WPS.

Samantala, sa libro ng geopolitical analyst na si Robert Kaplan, binabanggit nitong maaaring umaabot pa nga hanggang 130 bilyong bariles ng langis ang tantyang bilang na matatagpuan sa WPS.

Pumapangalawa ito kung gayon sa reserbang langis na matatagpuan sa Saudi Arabia at matuturing na “ikalawang Persian Gulf ”. Dagdag pa rito ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, napakalaki ng potensiyal na mawawala sa Pilipinas kung pipiliin nitong manahimik sa pagtatanggol sa karagatang teritoryo nito.

Ani Carpio, pinaglalawayan ng China ang pag-angkin at ang ekplorasyon dito dahil sa malaking potensiyal nito sa methanol (alternatibong biofuel) na kayang patakbuhin ang ekonomiya ng China hanggang sa susunod na 130 taon.

Infographic: Darius Galang

Infographic: Darius Galang

Pagyurak sa kalikasan

Samantala, sa nilabas na pahayag ng mga marine scientist mula sa Unibersidad ng Pilipinas, hinimok nilang ipagtanggol ng mamamayan ang WPS bilang bahagi ng pangangalaga ng karagatan ng bansa at dahil sa halaga nito sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Ayon sa mga ito, 40 porsiyento ng EEZ ng bansa ay binubuo ng WPS. Dahil dito, napakalaki ng halaga nito sa usapin ng food security sa panahong lubhang paliit na nang paliit ang industriya ng pangingisda sa bansa.

Tinatayang 1/10 ng kabuuang huli sa buong mundo ay nagmumula sa WPS.

Ayon sa pahayag, “Napakayaman din ng lugar sa mga coral, taklobo (giant clam), seaweed, seagrass, marine animals at microorganisms. Napakalaki ng potensiyal nito bilang mayamang mapagkukunan ng bagong gamot at iba pang bioteknikal na produkto. Napakalalaking kawalan sa mga susunod na henerasyon ang pagkayurak ng mga tirahan at likas yaman na ito.”

Dagdag pa ng grupo, hindi malayong mangyari ang isang malawakang pinsala sa kalikasan kung papahintulutan ang pangangamkam ng China sa WPS.

Protesta sa harap ng embahada ng China sa Makati. <b>Amirah Lidasan/File Photo</b>

Protesta sa harap ng embahada ng China sa Makati. Amirah Lidasan/File Photo

Paninikluhod

Sa kagustuhang hindi masaling ang damdamin ng China, handang isantabi ni Pangulong Duterte ang makasaysayang desisyon ng PCA na nagpapatibay sa teritoryal na pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS.

Handa itong isakripisyo ang nasabing lugar kapalit ng pagpasok ng pautang ng China na siyang popondo sa programang Build, Build, Build ng rehimen.

Kahit malinaw at lantaran ang hindi patas na katangian ng mga kasundua’t proyekto, handang sang-ayunan ng pangulo. Matatandaang Abril ng nakaraang taon, ito pa mismo ang nag-alok sa 60-40 na hatian ng kita sa pagitan ng Pilipinas at China sa usapin ng joint exploration ng langis sa lugar.

Sinasabing ganito rin ang pagtanggap ng pangulo pagdating sa iba pang mga kasunduan gaya ng pagtatayo ng imprastraktura sa pagitan ng China kung saan lubhang talo ang bansa.

Soberanya, pambansang kalayaan

Sa kabila ng kawalan ng gulugod ng gobyerno para tindigan ang usapin ng WPS, nag-aalab naman ang damdamin ng mamamayan at makabayang mga organisasyon para patuloy na ipagtanggol ang soberanya ng bansa.

Himok ni Kabataan Rep. Sarah Elago, “Kinakailangang magpatuloy ang protesta at ipakita na nariyan at nariyan ang mamamayang nagmamahal at handang tumindig para sa Pilipinas.”

Neoliberalismo sa panahon ni Duterte

$
0
0
Ito ang gumagabay na ideolohiya o pilosopiya sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa — at ng marami pang bansa — sa loob ng halos apat na dekada. Mula diktadurang Marcos hanggang kay Duterte, niyakap ang sinasabing lohika nito sa halos lahat ng aspekto ng paggogobyerno — mula sa pagtangan (o pagbitiw) sa tungkuling magbigay ng serbisyong panlipunan hanggang sa pangangalaga (o paglabag) sa karapatan ng mga manggagawa at mamamayan. Sa espesyal na artikulong ito ng Pinoy Weekly, sinilip namin ang aktuwal na hitsura ng neoliberalismo sa pamumuno ng rehimeng Duterte.

Atakeng neoliberal sa lakas-paggawa

Pinasimulan ni Marcos ang mga atakeng neoliberal sa kilusang paggawa, pero ang susunod na mga rehimen ang nagligalisa at nagpatibay sa mga atakeng ito.
Detalye mula sa Bulong na Umaalingawngaw (1983, oil on canvas) ni Antipas Delotavo

Detalye mula sa Bulong na Umaalingawngaw (1983, oil on canvas) ni Antipas Delotavo

Simula nang isilang ang neoliberalismo noong huling bahagi ng dekada 1970 hanggang maagang bahagi ng dekada 1980, target na ng mga atake nito ang karapatan ng mga manggagawa — sa nakabubuhay na sahod, sa seguridad sa trabaho, sa pag-uunyon at sa pagwewelga. Isang salik kasi sa neoliberalismo ang pagpapanatiling pleksible (barat ang sahod, walang kaseguruhan sa trabaho, walang karapatang mag-unyon at magwelga) ang lakas-paggawa para maksimum ang kita ng kapitalista.

Sa Pilipinas, kahit sa maagang bahagi ng batas militar ni Ferdinand Marcos, pinasimulan na ng diktador ang neoliberal na mga atake sa kilusang paggawa — ipinagbawal ang mga unyon, namantine ang mababang sahod, at nagsimula ang praktika ng kontraktuwalisasyon o kaswalisasyon.

Pero nilabanan ito ng militanteng kilusang paggawa. Panahon ng batas militar, tumampok ang makasaysayang welga ng mga manggagawa ng La Tondeña noong taong 1975. Sinasabing ito ang bumasag sa katahimikan ng batas militar, at siyang tumulong sa pagtaas ng kamulatan at militansiya ng mga manggagawa para labanan ang diktadura.

Matapos mapatalsik si Marcos, lalong napatibay ang mga polisiyang umaatake sa karapatan ng mga manggagawa. Sa panahon ng kalituhan sa kilusang paggawa, naipasa ng administrasyon ni Corazon Aquino ang Labor Code noong 1989 – na nagpapahirap pa rin sa mga manggagawa hanggang ngayon.

Mula rito, tuluyan nang hinawi ang lahat ng balakid sa pagkamal ng mga kapitalista ng dambuhalang tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa. Binawi ang mga nakamit nang tagumpay ng mga manggagawa sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan. Pinawi ang pambansang minimum na sahod, at ipinaubaya sa Regional Wage Boards ang pagtatakda ng minimum na sahod ng mga manggagawa. Pinalaganap ang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagpapatuloy ang mga atakeng neoliberal sa kilusang paggawa. Nagsimula ang termino niya sa pagpapangako na wawakasan noya ang kontraktuwalisasyon pero mabilis na binitiwan ni Duterte ang pangakong ito. Mula Department of Labor and Employment (DOLE) Order No. 174 na sa esensiya’y paglelegalisa lang sa ilang praktika ng kontraktuwal na paggawa, hanggang sa Executive Order No. 54 na may parehong esensiya, hanggang sa pag-veto ni Duterte sa Security of Tenure Bill na napahina na nga sa Kongreso bago ito ipinasa — lalong ikinagalit ng mga manggagawa ang di-pagtupad ng rehimen sa pangako nito.

Sumisiklab hanggang ngayon ang iba’t ibang paglaban ng mga manggagawa sa iba’t ibang pabrika. Noong 2018, tumampok ang paglaban ng mga manggagawa ng NutriAsia sa Bulacan, PLDT, Jollibee, Magnolia, mga kompanyang BPO, at marami pang iba. Nagpatuloy ito ngayong taon, sa pagsiklab ng mga welga sa NutriAsia sa Laguna, Pepmaco, Regent Foods, at iba pa.

Dagdag sa pagsiklab ng mga welga para igiit ang kanilang mga karapatan sa regularisasyon, dagdag-sahod at benepisyo, iginigiit ng Kilusang Mayo Uno (ang sentro ng militanteng unyonismo sa bansa) na bahagi ng makasaysayang paglaban sa neoliberalismo ang paglaban ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa pambansang minimum na sahod. Priscilla Pamintuan


Liberalisasyon sa agrikultura, nakamamatay

Pilipinas na ngayon ang numero unong importer ng bigas sa mundo kahit pa napakalawak ng mga lupaing agrikultural natin. Dahil ito sa Rice Liberalization Law ni Duterte.

Likha ni Karl Castro

Pauwi na sana noong gabi ng Oktubre 31, bisperas ng Undas, si Imelda Talay, 53, sa kanilang bayan sa Rizal, Cagayan.

Kasama niya ang 44 na iba pa, kalakha’y magsasaka, na dumayo sa Apayao upang tumanggap ng binhi ng bigas at mais bilang ayuda ng Department of Agriculture (DA) sa mga naapektuhan ng Rice Liberalization Law at ng nagdaang mga bagyo. Pero habang inaakyat ng kanilang sinasakyang trak ang daan sa bayan ng Conner, Apayao, nawalan ng kontrol ang drayber sa minamanehong sasakyan at nahulog ito sa bangin.

Isa si Imelda sa 19 na namatay sa nasabing aksidente habang sugatan naman ang 22 iba pang lulan ng naturang sasakyan.

Kamatayan ang sinapit, imbes na ikabubuhay, ng abang mga magsasakang kumuha ng mga binhi sa Apayao. Aksidente man sila nasawi, maituturing ito na isa sa mga pinakaunang kaso ng mga namatay bunsod ng buong-layang pagliliberalisa (o pagbubukas ng merkado ng Pilipinas sa dayuhang mga bansa) ng bigas mula nang ipatupad ito mula Pebrero ngayong taon.

Anim na buwan pa lang mula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11203 o Rice Liberalization Law, matindi na ang epekto sa mga stakeholder sa industriya ng bigas – trader, kawani ng gobyerno sa ilalim ng Department of Agriculture, manggagawa sa rice mill, magsasaka at manggagawang bukid sa mga palayan at maralitang mga konsyumer.

Pinakadumadaing ang maralitang mga magsasaka at manggagawang bukid. Pakiramdam nila, unti-unti silang pinapatay ng batas na ito. Sa pagsisiyasat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tinatayang aabot ng 2.7 milyong pamilyang magsasaka ang maaapektuhan ng ipinatupad na RLL.

Tinanggal sa ilalim ng RA 11203 ang quantitative restrictions (QR) o ang pagtanggal sa mga buwis o taripa na naglilimita sa pagpasok ng imported na bigas sa bansa.

Ipinapataw ang 35 porsiyento na tariff o buwis sa pag-import sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na nag-aangkat ng bigas papasok sa Pilipinas. Sa kalaunan, ayon sa dikta ng World Trade Organization, batay sa Agreement on Agriculture, tatanggalin ang anumang resktriksiyon, kasama ang taripa, upang ipatupad ang “malayang kalakalan” at walang limit na pagpasok ng mga imported na produkto sa bansa.

Sina Sen. Cynthia Villar at dating House Speaker Gloria Macapagal- Arroyo ang mga may akda ng naturang batas bago pirmahan ni Duterte noong Pebrero 14.

Ani Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng KMP, lalong binarat ng malalaking traders ang presyo ng palay sa baryo na aabot lang sa P10 hanggang P12 kada kilo ang average na presyo. “Kahit sa Gitnang Luzon na rice producing region, mas mababa pa o halos P6 hanggang P7 na lang kada kilo ng palay. Sobra na ang pagkalugi (ng mga) magsasaka,” ani Ramos.

Ayon pa sa KMP, matagal nang panawagan ng mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng palay tungo sa P20 kada kilo. Dahil sa RTL, imbes na tumaas ang presyo, kabaligtaran pa ang nangyari. Maging ang P17 kada kilo na alok ng National Food Authority (NFA) ay mawawala na rin. Anila, pagkalugi ang nag-aantay sa mga magsasaka.

Umaaray din maging ang maliliit na trader sa pagbaha ng mga imported na bigas sa merkado. “Di tulad noon, napakahirap magbenta ng palay sa mga rice mill dahil unang-una, wala silang market, umaapaw ang imported na bigas sa market,” ani Elvis Orita, dating OFW na naging maliit na trader ng palay sa Guimba, Nueva Ecija.

Dagdag pa ni Orita, para umano mailabas ang kanyang puhunan, na inutang pa sa bangko, kinakailangan niyang maibenta sa P1,900 ang kada kaban na bigas. Pero mas pinipili pa aniya ng mga konsyumer ang imported na bigas na mas mura sa halagang P1,200 kada kaban.

‘Di rin ligtas ang mga maralitang konsiyumer sa mga epekto ng liberalisasyon ng bigas. Matagal nang hindi abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado at posible pang tumaas dahil sa importasyon.

Ayon sa KMP, kapag tuluyang nawasak ang lokal na produksiyon ng bigas, hindi na bababa sa P45 hanggang P70 kada kilo áng komersiyal na bigas na itinatakdang presyo ng diumano’y kartel ng bigas ngayon. Higit pa, lalo magpapahirap ang pag-alis sa merkado ng P27 kada kilo na NFA rice na epekto ng liberalisasyon ng bigas.

Pinapangambahan ng grupo na mamamasukan na lang sa odd jobs ang mga mawawalan ng kabuhayan sa palayan at milyun-milyon ang daragdag sa bilang ng unemployed sa bansa. Mas malala pa, ayon sa grupo, maaari diumanong umigting ang social unrest at maganap ang mga food riots at aklasang panlipunan.

Matagal nang nilalabanan ng KMP ang kasunduan sa WTO-Agreement on Agriculture.

Ayon sa grupo, mariin diumano ang pagtutol ng mga magsasakang Pilipino at mamamayan bago pumasok ang Pilipinas sa nasabing kasunduan dahil ibubunga nito ang pagbaha ng imported na bigas at iba pang agrikultural na produkto sa merkado. Nagresulta ito ng pagbagsak ng presyo ng mga lokal na produktong agrikultural, pagkalugi ng mga magsasaka at paglubog sa utang at sa kalauna’y pagkatanggal ng mga magsasaka sa mga sakahan.

Sinamantala ang ganitong sitwasyon ng real-estate developers para sa land-use conversion o pagpapalit-gamit ng produktibong mga sakahan tungo sa mga subdibisyon, mall at iba pang komersiyal na gamit.

Ayon sa KMP, libu-libong ektarya ng palayan ang nawala noong 1990 hanggang 2017. Ilan sa halimbawa: 24,000 ektarya sa Timog Katalugan, 25,000 ektarya sa Davao Region at 7,000 ektarya sa Gitnang Luzon, kilalang rice granary ng bansa. Gayundin, papalaki ang bolyum ng imported na bigas na may average na pumalo ng hanggang 19 porsiyento noong 2010 kumpara sa hindi 0 hanggang 9 porsiyento bago pumasok ang Pilipinas sa WTO-Agreement on Agriculture noong 1995 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Iniresulta din nito ang pagtaas ng presyo ng bigas na umabot ng 200 porsiyento noong 2017 mula 1990.

Para kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, chairman emeritus ng KMP, walang ibang paraan upang makaalpas ang mga magsasaka sa epekto ng Rice Liberalization Law kundi ang pagsuspinde ng mismong batas at sa kalauna’y pagbabasura nito.

“Kung magpapatuloy ang sitwasyong mababa ang presyo ng palay, nalalapit ang isang papalalang krisis sa pagkain at ekonomiya,” ani Mariano.

Isinusulong din sa pangmatagalan ng KMP, sa pakikipagtulungan sa blokeng Makabayan, ang House Bill 477 o Rice Industry Development Act (RIDA). Inihain sa Kamara ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, layunin ng panukalang batas ang pagpapaunlad sa pambansa at lokal na industriya ng bigas. Para matiyak ito, ipinapanukala ang pagsuporta at pagprotekta sa mga magsasaka at iba pang stakeholder sa industriya ng bigas.

Habang sinasalungat ng naturang panukalang batas ang RA 11203, sumusuhay naman ito sa HB 239 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), nauna nang isinulong ng Anakpawis Party-list sa Kamara, na nagtutulak naman ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, proteksiyon ng kanilang karapatan sa lupa, at pagkamit ng food self-sufficiency at self-reliance ng bansa. Peter Joseph Dytioco


Build, Build, Build para sa dayuhan

Ambisyoso ang planong pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte. Pero hindi ito ginagawa pangunahin para sa mga mamamayang Pilipino.

Sa pagsisimula pa lang ng termino ni Pangulong Duterte noong Hulyo 2016, sinabi na niyang hindi siya makikialam sa programang pang-ekonomiya ng kanyang administrasyon. Ipapaubaya na lang daw niya sa economic managers niya. Pero marami siyang gustong gawin. Marami siyang gustong ipagawa.

Ang aktitud na ito — ang pag-iwas sa pagtakda ng pang-ekonomiyang polisiya pero may kagustuhang mag-iwan ng “legacy” ng pagpapatayo ng mga proyektong pang-imprastraktura ala Marcos — ang nagbigay-puwang sa datihan nang mga neoliberal na mga ekonomista at burukrata na buuin ang planong “Build, Build, Build”. At ang presidenteng umaming wala siyang alam o interes sa ekonomiks, ginawan ng mga burukratang ito ng polisiya sa ekonomiya: ang “Dutertenomics.” Gaya-gaya ito sa mga lider ng ibang mga bansa na nagbuo ng sariling polisiyang pang-ekonomiya at pinangalanan mula sa kanila (halimbawa, Thaksinomics mula kay Thaksin Shinawatra ng Thailand noong 2001-2016, o Abenomics ni Shinzo Abe ng Japan noong 2013 hanggang ngayon).

Pinakasentro ng “Dutertenomics” ang pagtatayo ng malalaki at ambisyosong mga imprastraktura para makalikha ng trabaho, habang natutugunan ang demand ng dayuhang mga mamumuhunan para rito. Sa kongkreto, bahagi ng Build, Build, Build ang pagtatayo ng international airports (katulad ng Aerotropolis sa Bulacan), haywey, mga sistema ng tren (subway sa Maynila, tren sa kahabaan ng Mindanao), business o commercial complexes na katulad ng New Clark City, pagtatayo ng malalaking dam (katulad ng Kaliwa Dam) at marami pang iba.

Malaki ang problema ng Build, Build, Build sa usapin pa lang ng pondo. Malinaw na walang P8.4-Trilyon ang rehimen para pondohan ang mga proyekto nito. Kung kaya, naghanap ito ng mga kasosyong dayuhang mamumuhunan. Marami sa mga proyekto ng rehimen, katulad ng Kaliwa Dam, gobyerno ng China ang kasosyo.

Pangalawa, marami sa mga proyektong pang-imprastraktura nito’y walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong komunidad. Hindi lang iyun, lantarang binabalewala nito ang naturang mga komunidad. Katulad nito ang dislokasyon ng mga katutubong Dumagat sa Quezon dahil sa Kaliwa Dam, mga Ita dahil sa New Clark City sa Pampanga, mga residente ng Maynila sa pagpapatayo ng NLex-SLex connector, at marami pang iba. Pati ang mga residente ng Bulakan, Bulacan, apektado sa Aerotropolis — mga mangingisdang mawawalan ng lugar-pangisda, at mismong mga komunidad na maaaring bahain dahil sa reklamasyon.

Nakatono ang Build, Build, Build sa buong proyektong neoliberal ng US at iba pang imperyalistang bansa. Sa neoliberal na pamamalakad ng ekonomiya ng mundo, ang mahihirap na mga bansang katulad ng Pilipinas ay may partikular na silbi sa buong “global value chain”: Pagkukunan ng hilaw na materyales (tulad ng mga minimina), murang lakas-paggawa, at bilang tambakan at tagabili ng surplus na mga produkto ng imperyalistang mga bansa.

Sa madaling salita, hindi itinatayo ang mga proyektong pang-imprastraktura ni Duterte para matugunan ang partikular na mga pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino (kung ganito kasi ang kaso, sana inuna na niya, halimbawa, ang pagsasaayos ng sistema ng pampublikong transport sa bansa), kundi para sa dayuhang interes. Priscilla Pamintuan


Perwisyo sa pagsasapribado

Ipinagpapatuloy lang ni Duterte ang matagal nang polisiya ng gobyerno na pagpapasa sa malalaking pribadong negosyo ng dapat na tungkulin nitong magbigay serbisyong pangkalusugan at edukasyon.

 

Mariing tinutulak sa ilalim ng neoliberalismo ang daan tungo sa pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan. Mahalagang bahagi nito ang tuluyang pagtalikod ng Estado sa tungkulin nitong tiyakin na tinatamasa ng mga mamamayan ang kanilang batayang karapatan sa mga serbisyong gaya ng edukasyon at kalusugan.

Taong 1989 nang simulang ipatupad sa bansa sa ilalim ng termino ni Pang. Cory Aquino ang unti-unting pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan sa bansa alinsunod sa mga patakarang pinataw ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank. Sa ilalim nito, tuluyang binawasan ang pagpondo ng gobyerno sa sektor ng pampublikong edukasyon at kalusugan at tinutulak ang mga institusyon nito para lumikom ng sariling pondo gamit ang iba’t ibang pamamaraan.

Malinaw sa balangkas ng mga patakarang neoliberal ang pagtulak sa mga pampublikong paaralan at unibersidad para “magsarili” at kung gayo’y pagturing sa edukasyon bilang isang sektor na maaaring pagkakitaan.

Dahil dito, sa ilalim ng mga pinapatupad na patakarang pang-edukasyon ng bawat nagdaang pangulo, patuloy na kinakaltasan ang inilalaang badyet samantalang tinutulak ang mga ito para kumita sa sarili nitong mga pamamaraan.

Layunin ng Higher Education Modernization Act (HEMA) ni dating Pang. Fidel Ramos ang pagkaltas sa badyet ng state universities and colleges (SUCs) sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at kaliwa’t kanang pagsingil ng iba’t ibang klase ng bayarin sa unibersidad. Samantala, halos ganito rin ang nilalaman ng Philippine Agenda on Education Reform (PAER) ni dating Pang. Joseph Estrada maging ang Long Term Higher Education Development Plan (LTHEDP) ni Gloria Macapagal-Arroyo na nagsasabing hindi na “episyente” ang pagpopondo sa libreng edukasyon sa kolehiyo kung kaya’t kailangan na nitong pasukin ang pakikipagkasundo sa mga pribadong entidad. Ang pribatisasyong ito ang siya ring binigyang diin ni dating Pang. Benigno Aquino III. sa kaniyang programa sa edukasyon.

Ganito rin ang kinakaharap ng sektor ng kalusugan na patuloy na binebenta o nilalako sa mamamayan sa ilalim ng polisiya ng pribatisasyon ng IMF-World Bank.

Ayon sa Ibon Foundation, tinatayang walo sa bawat 10 Pilipino ang lugmok sa kahirapan. Ang bilang na ito ng pinakamahirap na mamamayan ang siyang pumapasan ng krisis ng pribatisadong serbisyong pangkalusugan. Nakatakda pang lumubha ang kalagayang ito sa gitna ng halos P10 Bilyong nakaambang budget cut sa sektor ng kalusugan para sa taong 2020. Sa katunayan, mahigit 70 pampublikong ospital sa bansa ang nakatakdang isapribado ng gobyerno.

Tiyak na magreresulta ang napakalaking kaltas sa badyet sa ibayong pribatisasyon ng mga pampublikong ospital, malawakang tanggalan ng mga pampublikong doktor, nars at staff, labis na kapabayaan sa mga gusali’t pasilidad ng ospital at pagpataw ng matataas na mga singilin sa mga naghihikahos na mga pasyente.

Sa gitna ng pananalasa ng pribatisasyon at mga patakaran ng neoliberalismo, binigyang diin ni Rosario Guzman ng Ibon ang kinakaharap na hamon ng mamamayan. Ani Guzman, “Hindi na mapagkakaila ang marahas na epekto ng kasalukuyan at mga nagdaang neoliberal na patakaran. Mulat na ang mahihirap. Para sa kanila, matagal nang naaagnas ang neoliberalismo. Hindi na ito maaari pang buhayin o ireporma. Kailangan itong wakasan.” Silay Lumbera


Kuryente’t tubig sa pribadong kamay

Sa neoliberal na polisiya ng pagsasapribado sa mga serbisyo sa tubig at kuryente, lalong naging mahal ang singil dito, at sumasahol pa ang serbisyo.

Likha ni Ericson Caguete

Buwan ang binilang ng daan-daang pamilya sa Metro Manila bago muling natamasa ang pagkakaroon ng hindi paputul-putol na suplay ng tubig – na isang karapatang pantao. Krisis sa tubig na rin ang naging nakapanlulumong liwanag sa dilim noong humahagupit ang mga bagyo: sa dami ng tubig-baha, siguro naman dumami na tubig sa pinagkukuhanang dam.

Nitong Oktubre, naputol muli nang bahagya ang suplay sa mga kabahayan. Asahan raw na magkakaroon muli ng krisis sa suplay sa darating na tag-init, ayon kay Ferdinand M. dela Cruz, dating president ng Manila Water Co. Upang matugunan ito, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kailangan maipatayo ang Kaliwa Dam.

Pero hindi ba’t ipinangako ng water concessionaires tulad ng Manila Water at Maynilad ang pagiging episyente ng pagbibigay-serbisyo sa tubig noong makuha nito – bilang pribadong mga kompanya – ang prangkisa mula sa gobyerno na magsuplay ng tubig sa Kamaynilaan?

Samantala, Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa serbisyo ng tubig sa buong Timog Silangang Asya.

Ipinapakita ng sitwasyon ngayon sa tubig –at sa kuryente – na sumahol lang ang serbisyo sa dalawang utilities na ito matapos mapasakamay ng malalaking pribadong kompanya ang pagseserbisyo nito.

Sa kasalukuyang “krisis” kuno sa tubig sa Kamaynilaan, tantiya ng maraming eksperto na artipisyal lang ang kakulangan ng suplay. Ibig sabihin, sinadya ng water concessionaires at MWSS na kulang ang suplay ng tubig para bigyan-katwiran ang isa sa pinakamalaking proyektong pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte – ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam sa Quezon.

May karagdagang biktima rin ang “artipisyal na krisis” na ito: ang mga katutubong Dumagat, na malulubog ang komunidad kung magpapatuloy ang pagpapatayo ng naturang dam.

May sinasabing krisis sa tubig din noong dekada 1990. Ang inihaing solusyon ng World Bank at International Monetary Fund, isapribado ang “di-episyenteng” serbisyo ng tubig sa Kamaynilaan na hawak ng MWSS. Naging totoo ito noong 1997.

Nakuha ng Manila Water at Maynilad ang mga prangkisa, at nangako ng kung anu-ano: episyenteng serbisyo, di mawawalan ng tubig, murang bayad. Pero sa suri ng maraming eksperto, hindi natupad ang pangako ng pribatisasyon, ayon kina Eduardo Tadem at Teresa S. Encarnacion Tadem, mga properso sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa kanilang artikulo sa Philippine Daily Inquirer, nilista nila ang mga problemang idinulot ng pribatisasyon, kasama na ang hindi maaasahang suplay at patuloy na pagtaas ng presyo.

Ganito rin ang hinaing ng ilang grupo na nagpapatawag sa pag-usisa ng mga probisyon ukol naman sa pagkonsumo ng kuryente. Ito ay matapos magdeklara ng naaambang pagtaas ng presyo ang Manila Electric Corp. (Meralco) ngayong Nobyembre.

Naisapribado naman ang Meralco matapos maipasa ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o ang Epira Law. Tulad ng sa tubig, kung anu-ano rin ang ipinangako ng pribatisadong Meralco (nabili noon ng pamilyang Lopez): mas episyenteng serbisyo, murang singil, at iba pa.

Pero tumaas lang nang tumaas ang singil sa kuryente. Nakita rin kung papaano ipinapasa sa mga konsiyumer ang bawat gastos ng Meralco. Mayroong automatic pass through charges sa kuryente o pagpasa ng power producer at distributor sa mga konsiyumer ng dagdag bayarin sa tuwing tumataas ang presyo ng fuel at coal sa world market.

Ang malinaw, mula sa mapait na karanasan ng mga mamamayan sa Maynila: kung nasa kamay ng malalaking pribadong interes ang isang batayang serbisyo tulad ng tubig at kuryente, pagkakamal ng pinakamaksimum na kita ang aatupagin ng naturang mga kompanya, at hindi pagbibigay ng mura at episyenteng serbisyo sa mga mamamayan. Jobelle Adan


Nagpapahirap sa karamihan, nagpapayaman sa iilan

Mula sa panukala ng American Chamber of Commerce, ipinataw ng rehimeng Duterte ang Train Law na nagpapahirap ngayon sa 80 porsiyento ng mga Pilipino.

Sa anumang klase ng pamamahala, at anumang klase ng ekonomiya, mahalaga ang pagbubuwis sa mga mamamayan ng bansa para mapondohan ang mga serbisyong panlipunan na tinutugunan nito sa mga mamamayan. Kaya naman, sa mga bansang may matitibay na mga serbisyong panlipunan, i.e. may libre at de-kalidad na mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at iba pa, kadalasang mataas din ang ibinubuwis sa mga mamamayan.

Pero sa mga buwis sa bansang katulad ng Pilipinas, hindi pantay ang pagbubuwis sa mahihirap at mayayaman. At ang malaking bahagi ng buwis, hindi sa serbisyong panlipunan napupunta ang pondo.

Halimbawa na nito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law ng rehimeng Duterte.

Mabilisang ipinasa ito ng Kongreso na dominado ng mga alyado ni Pangulong Duterte noong Disyembre 2017. Layon ng naturang batas na “mareporma” raw ang pagbubuwis ng gobyerno sa mga kinokonsumo ng mga Pilipino. Kasama sa pakete ng mga “reporma” ang ilang pagbabago sa kinokolektang buwis sa income, gayundin sa estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), documentary stamp tax (DST), at bagong excise tax sa mga produktong petrolyo, mineral, sasakyan, mga inuming matatamis, produktong kosmetiko at tabako.

Idineklara ng Train Law ang exemption o hindi pagbubuwis sa mga sumasahod ng P250,000 pababa kada taon o P20,833 kada buwan.

Binibigyan-diin ng mga kritiko ng Train Law, na pinakamahihirap na mga Pilipino ang pinakang-tatamaan ng pagbubuwis na ito. Apektado ang presyo ng batayang mga bilihin na umaabot sa 60 porsiyento ng pamilyang Pilipino, o 13.7 milyong kabahayan o households. Suma total, 60 milyong Pilipino ang mas bumaba ang kakayahang bumili ng batayang mga bilihin dahil sa Train Law.

Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, kinuha ng Train ang P737 taun-taun mula sa bulsa ng pinakamahihirap na 2.3 milyong pamilya na may average na income na P5,214 pababa noong 2018. Mas malaki naman ang kinukuha sa may buwanang kita na P5,215 hanggang P8,315 (P980 sa isang taon). P1,163 naman ang kinukuha mula sa bulsa ng susunod na 2.3 milyong pamilya na may P8,316 hanggang 10,691 sa isang buwan.

Dahil ito sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain, inumin, liquefied petroleum gas (LPG), pamasahe, kuryente, pabahay at iba pang batayang produkto at serbisyo.

Sa kabilang banda, ang 40 porsiyento ng pinakamatataas na kumikitang household sa Pilipinas ay mababawasan ang buwis na binabayaran. Dahil ito sa mas mababang income taxes na binabayaran nila – kahit pa may karagdagang gastos sila sa VAT, excise tax at iba pang batayang bilihin. Halimbawa, 2.3 milyong pamilyang may pinakamalaking kita (P111,380 kada buwan pataas), nagkakaroon ng karagdagang P43,540 kada buwan.

Ibig sabihin, sa ilalim ng Train Law, lalong maghihirap ang pinakamahihirap nang mayorya sa mga Pilipino, samantalang lalong yumayaman ang dati nang mayayaman.

Ayon sa Canadian na awtor at mamamahayag na si Naomi Klein, sa kanyang librong This Changes Everything: Capitalism vs the Climate (2015), tatlo ang batayang haligi ng neoliberalismo sa ekonomiya: pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo, deregulasyon (o kawalang-kontrol ng gobyerno) sa mga korporasyon, at pagtanggal ng income at corporate taxes na dating nagpopondo sa mga serbisyong panlipunan.

Bahagi ng ikatlong haligi ang Train Law. Priscilla Pamintuan


Neoliberal na alipin sa ibang bansa

Di deklarado ang Labor Export Policy o polisiyang pagtutulak sa mga Pilipino na mangibang bansa. Pero dahil sa kawalang kaunlaran sa bansa, nagpapatuloy ang polisiyang ito.

Sa patuloy ang paglabas sa bansa ng lakas-paggawa ng mga Pilipino, para lang magkaroon ng mas maalwan na buhay ang milyun-milyong Pilipino. Ayon sa tala ng Migrante International, progresibong grupo na nagsasaliksik at tumutulong sa mga overseas Filipino workers (OFW), walo sa sampung pamilyang Pilipino ay may kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Di-bababa sa 10 milyong Pilipino, o halos isa sa bawat 10, ang nasa ibang bansa.

Sa kasaysayan, may tradisyon na ang mga Pilipino sa paglabas ng bansa, pangunahin upang kumita. Isa na ang sikat na manunulat na si Carlos Bulosan na nagtrabaho sa California, USA, at naging aktibo sa pag-oorganisa ng mga migranteng manggagawa. Tanyag ang kanyang akdang America is in the Heart, na personal nyang tinalakay ang karanasan ng migrasyon at paggawa sa isang Asyano-Amerikanong perspektiba.

Pero dekada 1970, panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos, binenta ng diktadura ang migrasyon ng paggawa bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis sa Gitnang Silangan. Panahong ito, kinokontrata ang mga Pilipino para magtrabaho roon, kaya tinawag silang overseas contract workers. Nakita ni Marcos ang oportunidad ng pag-eksport ng lakas-paggawa sa gitna ng mahinang ekonomiya.

Para mapabilis ang pag-eksport ng lakas-paggawa, nagparaya ang diktadura (at ang sumunod na mga rehimen) sa pribadong placement agencies. Binibigyan ng gobyerno ng lisensiya ang mga ahensiyang ito. Pero hindi naman ito naghihigpit kahit sa walang lisensiya o ilegal na mga rekruter at placement agency. Para padaliin ang pag-eksport sa lakas-paggawa, itinatag ng gobyerno ang sa kalauna’y tatawaging Philippines Overseas Employment Administration (POEA) para direktang magdeploy ng mga empleyado sa dayuhang mga employer.

Kahit matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos, lalong tumindi ang labor export policy. Katunayan, inasahan ng sumunod na mga rehimen (Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Noynoy Aquino) ang remitans ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa para mabuhay ang lokal na ekonomiya ng Pilipinas.

Pero pana-panahon, nabibigyan ng pokus sa madla ang polisiyang ito. Noong 1995, ginulantang ang Pilipinas sa balitang di-makatarungang pagbitay kay Flor Contemplacion. Nasiwalat sa panahong ito ang abang kalagayan ng mga Pilipino sa ibang bansa na bulnerable sa abuso.

Polisiya ba ang pangingi-bang bansa? Hindi ba ito sadyang kagustuhan lamang ng indibiduwal na kumita ng mas malaking halaga kumpara sa kinikita sa Pilipinas?

Malaki ang pakinabang ng gobyerno sa OFWs. Pangalawa (minsan naauna pa) ang remitans ng mga OFW sa pinakamalaking bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Madalas umaabot pa ng 10 porsiyento ng GDP ang mula sa remitans. Nitong taon lang, nagpasok ng US$2.87 Bilyon ang mga OFW, ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas.

Pero sa hirap ng tinagurian ng gobyerno na mga “bagong bayani,” hindi pa rin nito lubusang mabigyan ng proteksiyon ang mga OFW. Nakita ito sa maraming kaso, kabilang ang kay Mary Jane Veloso, na nasa death row sa Indonesia, at Mary Jeane Alberto, na misteryosong namatay kamakailan lang sa United Arab Emirates. Darius Galang


Glosari ng neoliberalismo

ni Jobelle Adan
Protesta ng milyun-milyong katao sa Chile kontra sa neoliberal na mga patakaran ng gobyerno. Larawan kuha mula sa FB page ng <b>Redfish</b>Deregulasyon. Pagbawas ng kapangyarihan ng gobyernong makialam sa mga industriya sa pamamagitan ng pagpapaluwag o tuluyang pagtanggal sa mga batas o restriksiyon.
Pribatisasyon. Pagsalin ng pagmamay-ari ng pampublikong mga serbisyo tulad ng water distribution mula sa gobyerno papunta sa pribadong mga kompanya.
Pasismo. Porma ng pamumuno ng gahiganteng iisa na gumagamit ng matinding puwersa laban sa mga kritiko at interes ng mga mamamayan.
Neoliberalismo. Muling pag-usbong o makabagong mukha ng ideolohiya na naniniwalang ang malawakang merkado at hindi ang gobyerno ang may kakayanang balansehen ang ekonomiya at interes ng mga mamamayan.

Featured image: Artwork mula sa FB page ng Iberia Libertaria

Viewing all 28 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>